Nakapagtala ang Commission on Elections (Comelec) ng mas malaking bilang ng mga rehistradong babaeng botante kumpara sa mga rehistradong lalaking botante.
Batay sa datos ng komisyon ay hindi bababa sa 1.5 million ang inihigit ng bilang ng mga registered female voters sa registered male voters.
Ipinapakita kasi sa ulat ng Comelec’s Election Records and Statistics Division na sa 65,721,230 na mga botante sa bansa, nasa 33,644,237 dito ay mga babae habang nasa 32,076,993 naman ang mga lalake.
Sa mga figures na ito ay ang Region 4-A ang may naitalang pinakamalaking bilang na may 9,192,205 na mga botante kung saan 4,852,037 dito ay pawang mga babae.
Pumapangalawa naman ang National Capital Region (NCR) na may kabuuang 7,301,393 na mga botante na kinabibilangan naman ng 3,976,902 na mga babaeng botante.
Ang Region 3 (Central Luzon) naman ang sumunod sa NCR na may naitalang 7,289,055 na mga registered voters (3,767,563 babae at 3,521,492 lalaki); Region 7 (Cental Visayas) na may kabuuang 5,202,289 na mga botanteng kinabibilangan ng 2,665,418 na mga babae at 2,536,871 na mga lalake ; at Region 6 (Western Visayas) na may 5,206,305 na mga botante, 2,550,639 dito ay mga babae at nasa 2,475,666 naman ang mga lalaki .
Samantala, nakapagtala naman ng masa maraming bilang ng mga lalaking botante ang mga rehiyon ng Region 8 (Eastern Visayas), Region 12 (Soccsksargen), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Region 9 (Zamboanga Peninsula), at Region 13 (Caraga).
Nakapagtala naman ng nasa 1,697,215 na mga registered voters sa parehong land at sea-based ang Office for Overseas Voting.
Karamihan dito ay mula sa Middle East at Africa na may 786,997, na sinundan naman ng Asia Pacific na may 450,282, North at Latin America na may 306,445, at Europe na may 153,491.