Ipupursige ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kaso laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y nagawa nitong material misrepresentation noong 2022 national at local elections.
Ito ay matapos pagtibayin ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng law department nito na maghain ng kaso laban kay Guo sa regional trial court.
Matatandaan na nauna ng naghain ang kampo ni Guo ng counter-affidavit sa subpoena na inisyu laban sa kanya noong Setyembre 12 matapos palawigin pa.
Sa kanyang naging tugon, ikinatwiran ni Guo na premature ang biglaang paghahain ng kaso at ang kawalan umano ng authentication sa comparative examinations ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaniyang fingerprints ay nagbibigay ng pagdududa sa validity at katotohanan ng mga alegasyon sa naturang reklamo.
Subalit sinabi ng Comelec Law Department na nakakita ito ng probable cause at inirekomenda ang pagsasampa ng impormasyon laban sa sinibak na alkalde dahil sa pagpapakita ng mga hindi totoong kwalipikasyon at pagtatangkang linlangin ang mga botante.
Malinaw din aniya sa ebidensyang ipinakita ng complainant na mayroong sapat na batayan para paniwalaan na ang respondent ay nakagawa ng material misrepresentation na paglabag sa probisyon ng Omnibus Election Code nang ideklara niya sa kanyang COC na siya ay Pilipino at residente ng Bamban, Tarlac kahit na hindi naman totoo.