Nanindigan ang Commission on Elections na hindi election-related ang nangyaring pananambang kay Bulacan Board Member Ramil Capistrano.
Maalalang tinambangan ang convoy ng naturang pulitiko noong gabi ng Huwebes, Oct. 3, habang nasa kasagsagan ang paghahain ng kandidatura para sa 2025 Midterm Elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Comelec Chair George Erwin Garcia, sinabi nitong mayroon nang findings ang Philippine National Police na nagsasabing wala itong kaugnayan sa susunod na halalan.
Bagaman dati na aniya itong iniuugnay sa pulitika, nilinaw ng opisyal na hindi ito ituturing bilang election-related crime/violence.
Si Capistrano ay nagsisilbing presidente ng Association of Barangay Captains sa probinsya ng Bulacan.
Kasama niyang namatay ang kanyang driver na si Shedrick Suarez.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala ang mga gunman na may kagagawan sa naturang pananambang habang patuloy ding inaalam ang motibo sa naturang krimen.