-- Advertisements --

Nagpahayag na ng kahandaan ang Commission on Elections Negros Island Region sa posibleng worst case scenario na maaaring magresulta sa pagpapaliban ng 2025 elections.

Inihayag ni Comelec-NIR Regional Director Atty. Lionel Marco Castillano na may nakahanda na silang contingency plans sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog ang Bulkang Kanlaon.

Tinukoy pa ni Castillano ang mga nakaraang pagpapaliban sa halalan dahil sa “force majeure” kung saan ang halalan ay maaaring legal na muling i-reschedule sa loob ng 30 araw pagkatapos ng pagtigil ng isang kaganapan sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Kabilang sa mga apektadong lugar mula sa pagsabog noong Disyembre 9 ang Canlaon City sa Negros Oriental at La Castellana, La Carlota City, at Bago City sa Negros Occidental.

Isinasaalang-alang pa ng Komisyon ang pagtatayo ng clustered voting centers sa mga evacuation sites para matiyak na makakaboto ang lumikas na mga residente.

Na-secure na rin ang mga automated counting machine (ACMs) at tanggapan ng Komisyon sa mga apektadong lugar bilang bahagi ng precautionary measures.