-- Advertisements --

VIGAN CITY – Neutral lamang umano ang Commission on Elections (Comelec) sa planong pagpapalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa hawak nilang narcolist sa susunod na linggo, higit isang buwan bago ang May 13 midterm elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi naman umano sakop ng Comelec ang pagkontra sa nasabing hakbang ngunit ang tanging hangarin lamang nila ay huwag na ipilit sa kanila ng DILG na gawing basehan sa disqualification ng isang kandidato ang pagkakasali nito sa nasabing listahan.

Ayon kay Jimenez, kung gusto umano ng DILG na ilabas ang listahan, gawin nila kung gusto nila dahil wala namang magagawa ang poll body hinggil dito.

Aniya, kung ipipilit umano ng DILG na gawing batayan sa pagkaka-disqualify ng isang kandidato ang pagkakasali nito sa nasabing listahan, tiyak umano na hindi magkakaunawaan ang dalawang ahensya.

Ipinaliwanag ng opisyal na malinaw sa kanilang sinusunod na panuntunin na hindi maaaring maging batayan ang nasabing listahan sa pagkakadisqualify ng isang kandidato dahil wala pa namang hatol ang korte hinggil dito.

Idinagdag nito na iginagalang nila ang prinsipyo ng presumption of innocence ng isang akusado sa pagpapairal ng disqualification rules sa mga nasabing sitwasyon.