Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) ang umano’y anomaliya sa katatapos na halalan sa Pilipinas base sa report na isinangguni ng International Observer Mission (IOM).
Sa isinumiteng report ng organisasyong sponsored ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), inulat nito na ang naging halalan ngayong taon sa bansa ay hindi malaya at patas dahil sa mataas na bilang umano ng mga failure na naitala sa mga electronic voting system kumpara sa nakalipas na mga halalan kabilang ang naglipanang vote-buying, nakakabahalang red-tagging ng gobyerno at military sa mga kandidato at partido gayundin ang samu’t saring insidente ng nakamamatay na karahasan.
Ayon kay Comelec Acting Spokesperson John Rex C. Laudiangco, mayroong 915 vote-counting machines ang nagkaroon ng aberya sa araw ng halalan noong Mayo 9 na katumbas lamang aniya ng 0.8% ng kabuuang VCMs at agad namang napalitan o naayos.
Sa usapin naman sa election-related incidents , aabot hanggang sa 27 insidente lamang aniya na mas mababa sa lahat ng ginanap na eleksyon sa bansa para sa automated subalit hindi na nito isinama ang nagdaang manual elections dahil sa mas mataas ang mga naitala.
Ayon pa kay Laudiangco, mas mababa ang naitalang 27 election related incidents mula noong January 9 hanggang sa mismong araw ng halalan na isolated cases lamang din kung kayat kumpiyansa aniya ang Armed Forces of the Philippines at ang PNP sa kanilang assessment na generally peaceful ang halalan sa bansa.
Nagpaliwang din ang comelec official sa usapin sa vote buying activities na iniulat ng IOM, ayon kay Laudianco may binuong task Force Kontra Bigay ang poll body para tugunan ang vote-buying at anfgvote-selling activities.
Mas naging agresibo aniya ang poll body sa pagtugon sa usapun ng vote buying sa eleksyon sa pamamgitan ng paghikayat sa publiko para makipagtulungan na mahuli ang mga taong sangkot sa mga iligal na aktibidad ng vote buying.
Tumanggi namang magbigay ng komento ang Conelec official hinggil sa isyu ng red tagging na aniya ay ibang usapin.