Wala umanong katotohanan ang kumakalat na reports hinggil sa nawawalang pangalan ng isang kandidato sa pagkapangulo mula sa isang balota sa New Zealand.
Sa isang statement, sinabi ng Commission on Election (Comelec) na kinumpirma ng Office for Overseas Voting (OFOV) na ang kumakalat na larawan ng balota na natanggap ng isang overseas voter sa New Zealand ay edited para palabasin na hindi nakasama ang pangalan ni VP Leni Robredo sa listahan ng mga presidential candidates.
Tinawag din ito ni Commissioner George Garcia na pawang fake news.
Ayon sa Comelec, nakikipag-ugnayan na ang OFOV sa Department of Foreign Affairs at sa Philippine Embassy sa New Zeland upang matukoy ang nasa likod ng edited na larawan gayundin ang pagpapakalat nito sa social media
Nauna rito, ipinaliwang ni Garcia na nauna ng nilinaw ng mismong embahada ng New Zealand na wala silang natanggap na kahit isang reklamo mula sa mga overseas Filipino voters sa New Zeland.
Ayon pa kay Garcia, kinumpirma ng dating miyembro ng New Zealand parliament Paulo Reyes Garcia ang receipt ng balota kung saan nakalagay lahat ng pangalan ng mga kandidato.
Aniya, by batch ang pag-imprenta nila ng mga balota katulad na lamang kung ang isang batch ng mga balota para sa mga New Zealand voters ay binubuo ng libu-libong balota, dapat aniya libu-libo din ng mga botante ang nagrereklamo na nawawala ang pangalan ng isang kandidato mula sa kanilang balota.
Ibinahagi din ni Commissioner Garcia ang statement mula sa Philippine Embassy sa Wellington New Zealand kung saan hinihikayat ang mga botanteng Pilipino na ibalik ang mga balota kung mayroon mang nawawalang pangalan ng kandidato upang maberipika ito ng embahada.