Nilinaw ng Commission on Elections na walang nagpilit sa kanila para itigil ang lahat ng proceedings kaugnay sa People’s initiative na layong amyendahan ang Saligang Batas.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na kailangang manatiling independent ang Comelec.
Nagkataon lamang aniya na inanunsyo ng poll body ang suspensiyon noong araw ng Lunes kung saan sinabi din ni Senate President Juan Miguel Zubiri na aapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa House of Representatives at mga indibidwal na nasa likod ng people’s initiative na itigil na ito dahil hindi na ito makontrol.
Una rito, nagkaisang bumoto ang Comelec en banc para sa indefinite suspension ng Comelec Resolution No. 10650 na sumasaklaw sa guidelines para sa people’s initiative. Dahil dito, inatasan ang mga lokal na tanggapan ng Comelec na huminto sa pagtanggap ng mga signature sheet habang nakabinbin pa ng pagsusuri at rebisyon ng guidelines.
Sa datos noong Lunes, ayon kay Laudiiangco nakatanggap ang Comelec ng signature sheets mula sa 1,129 na lungsod at munisipalidad mula sa 210 distrito.