-- Advertisements --
image 728

Opisyal ng inihain ng Commission on Elections ngayong Biyernes ang disqualification cases laban sa 35 mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections may kinalaman sa umano’y premature campaigning.

Pinangunahan ni Comelec Director Nick Mendros, pinuno ng Task Force Anti-epal, ang paghahain ng naturang mga kaso sa Clerk of the Commission.

Ito ang unang batch ng DQ cases na inihain ng poll body.

Base sa datos ng poll body nitong Huwebes, nasa 199 na posibleng DQ cases ang naiulat matapos makatanggap ng tugon mula sa 529 kandidato ng BSKE.

Sa naturang bilang, umaabot na sa 207 ang ibinasurang reklamo dahil sa kawalan ng factual basis habang nasa 3,198 show cause orders naman ang inisyu sa mga kandidato ng BSKE.

Una na ring sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na inaasahang magkakaroon na ng resolusyon sa mga petisyon sa ikalawang linggo ng Oktubre.

Samantala, ibinabala naman ni Garcia na maaaring maharap sa kasong kriminal ang mga mapapatunayang lumabag.