-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na bibigyang aksyon ang kahilingan ng PNP na tanggalan ng security aides ang nasa 349 suspected narco-polititicians na karamihan ay tatakbo sa 2019 midterm elections.

Una nang hiniling ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na alisan ng security escorts ang mga pulitikong nasa listahan ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa illegal drug trade dahil pribilehiyo lamang ito hindi karapatan ng isang opisyal.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Comelec spokesperson James Jimenez na pinag-usapan na ng poll body ang hirit ni Albayalde kasama ang top officials ng AFP sa security meeting sa Camp Aguinaldo noong nakaraang araw.

Sinabi ni Jimenez na bubusisiin nila nang mabuti kung mayroon itong sapat na batayan para matiyak ang matiwasay na pagsasagawa ng halalan sa Mayo 13.

Dagdag ng opisyal, malalaman ng publiko ang magiging desisyon ng Comelec pagkatapos ng Semana Santa.