TUGUEGARAO CITY – Binigyan diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na isang injustice hindi lamang sa kanya kundi sa mga mamamayan ng lalawigan ang naging desisyon ng Commission on Election (Comelec) second division na pagpabor sa petition for diaqualification sa kanya bilang kandidato sa nakalipas na halalan.
Sinabi ni Mamba na bagamat inaasahan na niya ito ay hindi pa niya natatanggap kopya ng nasabing desisyon at nakita lamang niya ito sa Fecebook.
Nanindigan si Mamba na wala siyang nilabag na batas noong panahon ng eleksion dahil sa nag-apply naman sila ng exemption sa COMELEC para sa pamamahagi ng mobile cars sa ilang PNP stations, utility vehicles, motorsiklo , honorarium at mga ayuda na inaprubahan ng COMELEC en banc.
Sinabi niya na ang desisyon ay taliwas sa kanyang kampanya laban sa vote buying dahil siya ngayon ang inaakusahan na namili ng mga boto na wala umanong katotohanan.
Dahil dito, sinabi ni Mamba na ipinauubaya na niya sa kanyang legal team ang susunod nilang hakbang na paghahain ng apela.
Samantala, pinuri ni Dr. Zarah Lara, ang nakatunggali ni Mamba sa pagkagobernador ang COMELEC resolution.
Sinabi ni Dr. Lara na ang resolusyon ng COMELEC ay patunay na walang nangingibabaw sa batas maging ang mga nasa kapangyarihan at impluensiya.
Idinagdag pa ni Dr. Lara na ito ay babala sa mga incumbent officials na dapat maging transparent sa paggamit sa pondo ng pamahalaan.
Matatandaan na inihain ng kampo ni Dr. Lara ang petisyon batay sa kanyang akusasyon na habang nanunungkulan pa si Mamba na gobernador ay nasangkot umano siya sa vote buying noong panahon ng kampanyahan para sa May 2022 elections dahil sa pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng ” No Barangay and Town Left Behind” program at “Tulong sa Barangay” at “Krusada Kontra Korupsyon” program.