-- Advertisements --

Pinaboran na ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyong humihiling na i-disqualify si dating Caloocan Congressman Edgar “Egay” Erice sa pagtakbo sa 2025 midterm elections.

Ang petisyon ay inihain ng isang nagngangalang Raymond Salip noong Oktubre 7, kasunod na rin ng paghahain ni Erice ng kaniyang kandidatura sa pagka-kongresista ng ikalawang distrito ng Caloocan.

Sa inilabas na resolusyon ng Comelec, nakasaad dito na ang ang umano’y pagpapalaganap ni Erice ng maling impormasyon sa iba’t ibang plataporma ay may layuning guluhin ang eleksyon.

Maalala kasing naghain si Erice ng kaso laban sa Comelec, pangunahin na si Chairman George Garcia nitong buwan ng Agosto, 2024.

Tinukoy ni Erice ang pag-award ng komisyon ng P18 billion automation contract sa Miru Systems bilang kwestyunable at inihain ang graft and corruption charges.

Nag-inhibit naman si Comelec Chair Garcia para hindi umano mabahiran ang desisyon.

Samantala, patuloy namang pinapanindigan ng komisyon na walang anumang anomalya o kwestyunable sa pinasok nitong deal kasama ang Miru.

Ayon sa komisyon, gumugol ang mga opisyal nito ng mahaba-habang panahon para aralin ang naturang kontrata bago pa man pumirma kasama ang Miru.