Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng election offence laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa paggamit ng mga pekeng impormasyon noong inihain niya ang kaniyang kandidatura.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang ihahaing election offense ay maaaring ibatay sa misrepresentation ni Guo sa kanyang COC kung saan tinitingnan na ng komisyon ang mga maaaring gamiting ebidensya.
Gayonpaman, sinabi rin ng COMELEC chairman na hindi na maaaring magsampa pa ng disqualification case laban kay Guo dahil nauna na siyang naiproklama bilang nanalong kandidato at ginampanan na rin niya ang kanyang posisyon.
Giit ng opisyal, wala na ito sa hurisdiksyon pa ng COMELEC.
Pero kung tatakbo muli aniya ang suspendidong alkalde, maaari na itong habulin ng komisyon, at maaaring maharap sa disqualification.
Sa ibang banda, sinabi naman ng Office of the Solicitor General (OSG) na maaaring sa susunod na buwan ay maghahain na ito ng qou warranto petition laban kay Guo.
Ito ay kasunod na rin ng naunang kompirmasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na magkapareho sina Mayor Alice Guo at Guo Hua Ping, batay na rin sa kanilang ikinumparang fingerprints.