CAUAYAN CITY- Pinag-aaralan na ng Commission on Election na ibalik sa susunod na linggo ang pagsasagawa ng sattelite registration.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 na dahil sa COVID-19 ay marami sa kanilang mga tanggapan ang nagsasara.
Aniya, kapag nagpapatupad ng ECQ o MECQ ang isang lugar ay wala rin silang pasok hanggang sa ito ay matapos.
Sa mga lugar na hindi apektado ng mahigpit na restriction ay apektado pa rin dahil nababawasan ang araw ng kanilang pasok bunsod naman ng pagsasagawa ng disinfection gaya na lamang sa tuwing araw ng biyernes.
Dahil dito ay bumaba na ang bilang ng mga nagpaparehistro dahil sa takot ng mga tao na lumabas.
Sa ngayon ang nakikita na lamang nilang paraan para tumaas ang bilang ng mga botante ay ang pagsasagawa ng satellite registration lalo na dito sa rehiyon na talagang bumaba ang bilang ng mga nagpaparehistro.
Kung pagbabatayan naman ang datos sa buong bansa, sa apat na milyong puntirya ng pamahalaan ay 3.1 milyon na ang nakapagparehistro sa buong bansa mula noong ikalabimpito ng Abril.