Puspusan na ang ginagawang voter’s education ng Comelec, isang taon bago ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mismong mga makina ng Miru Systems na ang kanilang ginagamit sa mga roadshow para maging familiar ang mga mamamayan.
Ito rin ang isa sa mga rason kung bakit hindi na nila ginamit sa demo ang mga lumang makina ng Smartmatic, upang hindi magdulot ng kalituhan sa panig ng mga botante.
Ang mga Automated Counting Machine (ACM) ay una nang isinalang sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaya tiyak umano ang lahat na maayos ang kalidad ng mga ito para sa pagtuturo.
Maging sa event ng mga paaralan, pulong ng mga organisasyon at iba’t-ibang sektor ay ginagamit na nila ang unang batch ng mga makinang ipinadala ng Miru.
Katunayan, maging sa event ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ay mismong si Garcia pa ang nangasiwa sa demo upang maipakita ang maayos na paggana ng voting machines.