CENTRAL MINDANAO – Upang mas mahikayat ang mga botante, magsasagawa ng satellite registration of voters ang city Comelec sa mga barangay ng lungsod.
Sa pinaplanong registration, maglilibot ang Comelec sa mga barangay upang doon na lang tumanggap ng mga bagong rehistradong botante para sa May 2020 barangay/sangguniang kabataan elections.
Ito ay base na rin sa ipinalabas na proposed schedule ni City Election Officer Angelita Failano.
Isasagawa ang satellite registration sa mga Barangay Hall para maging accessible ang pagpapatala para sa lahat.
Ilan lamang sa mga requirement ng pinaplanong satellite registration: 15-anyos pataas para sa SK at 18-anyos pataas naman para maging regular voter, at anim na buwan ng naninirahan sa barangay kung saan boboto ang botante.
Pinapayuhan ang mga nagnanais na magparehistro na sumangguni sa kanilang mga opisyal kung kailan isasagawa ng Comelec ang pagpapatala para sa mga bagong botante.
Nagsimula sa August 1 hanggang September 30, 2019 ang panahon ng voters registration, paalala pa ng Comelec.