-- Advertisements --
John Rex Laudiangco

Target ngayon ng Commission on Elections na bumuo ng sarili nitong cybersecurity division laban sa data breach o hacking sa server ng komisyon.

Ipinahayag ito ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco matapos na ipawalambisa ng National Privacy Commission (NPC) ang kaso laban sa kanila at Smartmatic.

Aniya, sa ngayon ay pinagpaplanuhan na ng Comelec ang kanilang susunod na hakbang laban sa umano’y mga nagpapakalat na mayroong data breach sa server ng poll body.

Sa katunayan pa nito ay kasama na rin sa binabalangkas na road map ni Comelec chairman George Erwin Garcia ang paggawa ng cybersecurity division ng komisyon kasabay ng mas pagpapatibay pa nito sa technological systems ng poll body para sa susunod pang mga halalan.

Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Laudiangco na kasalukuyan na silang nakikipagtulungan sa NPC at kumokonsulta sa kanilang law department, gayundin sa council ng Office of the Solicitor General, at Department of Justice.

Ito ay upang mapag-aralan naman ang kanilang magiging sunod na hakbang laban sa mga hindi magandang paratang laban sa komisyon dahil malinaw naman aniya sa naging desisyon ng mga kinauukulan na walang data breach at walang itinatago ang poll body hinggil dito na nagva-validate lamang sa transparency at integrity ng Comelec hinggil naman sa naging tagumpay ng 2022 National and Local Elections.

Muli ay nanindigan si Laudiangco na ligtas ang information ng komisyon, lalo na ang mga data nito na may kinalaman sa halalan dahil imposibleng ma-hack ang server ng Comelec dahil hindi aniya ito online kundi “standalone” na mayroong mahigpit na seguridad na kahit sila mismo ni Comelec chair Garcia ay hindi basta-basta nakaka-access nito kung walang authorization.