-- Advertisements --

Itinuturing ng Commission on Elections (COMELEC) na matagumpay ang idinaos na Presidential debate kagabi, March 19, sa Harbor Garden Tent ng Sofitel Hotel sa Pasay City.

Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia na siyang in-charge sa Debate Committee, magandang simula ito bagama’t hindi 100 porsiyentong perpekto ang nasabing event.

“It’s not 100 perfect, but it’s a good start, it’s successful for us. We think everyone, probably even if those who watched on television, followed it on social media, heard over radio, we can say that it’s very successful because it was appreciated by our candidates and their teams at the same time, and also by everyone who witnessed this debate,” saad ni Commissioner Garcia.

Nabatid na tumagal ng mahigit dalawang oras ang debate kung saan tanging si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hindi sumipot.

Nag-showdown sa iba’t ibang paksa ang dating presidential spokesperson na si Ernesto Abella, Labor leader Leody de Guzman, Manila Mayor “Isko” Moreno, dating National Security Adviser Norberto Gonzales, Senator “Ping” Lacson, Senator Manny Pacquiao, negosyanteng si Faisal Mangondato, Dr. at Atty. Jose Montemayor Jr., at Vice President Leni Robredo.

Ngayong araw, March 20, maghaharap naman ang mga kandidato sa pagka-bise presidente para sa tinaguriang “PiliPinas Debates 2022, the turning point.”

Alas-7:00 mamayang gabi magsisimula ang debate, na inaasahang tatagal uli ng mahigit sa dalawang oras.

Samantala, mayroon pang serye ng mga pinaka-opisyal na debate kung saan ang nag-organisa mismo ay ang COMELEC.

Una rito, ilang oras bago ang debate kahapon ay nasilip ng Bombo Radyo na puspusan sa paghahanda ang venue at pinaganda pa ang entablado para maging komportable ang inaasahang mainitang debate.

Sa lawak ng lugar na ito na tent na nasa bahagi rin ng Cultural Center of the Philippines complex at malapit sa Manila Bay, may kanya-kanyang holding room na inihanda para sa mga kandidato.