-- Advertisements --

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na kailangan ng panibagong batas para mapahintulutan ang maagang pagboto para sa mga senior citizens, persons with disability at mga buntis.

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na hindi kaya ng poll body na magpatupad ng early voting para sa ilang piling sektor ng lipunan na walang batas para rito.

Ayon kay Garcia, sana raw mapag-isipan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pag-pasa sa Early Voting Bill para kahit isang linggo bago ang halalan ay makakapagboto na mga nakatatanda, may kapansanan at mga buntis.

Nabatid mula sa chairman ng komite na si Negros Occidental 4th District Rep. Juliet Marie De Leon Ferrer na pasado na  sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Early Voting Bill.

Nasa Senado na aniya ang bola sa ngayon patungkol sa panukalang batas na ito.