-- Advertisements --

Muling tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi magkakaroon ng hokus pokus sa pagbibilang ng mga boto para sa nalalapit na halalan.

Ginawa ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo ang pahayag na ito sa briefing ng poll body sa Kongreso hinggil sa paggamit ng Consolidation and Canvassing System (CCS) para sa May 9 elections.

Binigyan diin ni Casquejo sa mga kinatawan ng Kongreso, na tatayong National Board of Canvassers, na lahat ng boto ay bibilangin ng wasto.

Kinilala rin niya ang papel ng Kongreso sa pag-canvass sa mga election results para sa pagka-pangulo at bise presidente, salig sa itinatakda ng Saligang Batas.

Nagpapasalamat si Casquejo sa Kongreso dahil nagkaroon ng pagkakataon na makapagsagawa sila ng demo, higit isang buwan bago ang actual elections.

Iginiit niyang mahalaga ang demo na ito upang sa gayon ay maramdaman kung paano isinasagawa at mangyayari ang gagawing canvassing.

Ayon kay Information Officer III Felimon Enrile III ng Systems and Programs Division ng Comelec, magkakaroon ng update sa Consolidation and Canvassing System para sa May 2022 polls.

Sa naturang event, bukod kay Casquejo, present dina ang ilang mga kongresistang miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms pati na rin ang ilang mga taga-Senado.