Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na mananatili pa rin ang pangalan ni dating pangulo Rodrigo Duterte sa balota ngayon halalan, ibig-sabihin, siya ay mananatiling kandidato pa rin sa pagka-alkalde sa Davao sa kabila ng kanyang pagkakaaresto kahapon, Marso 11 para sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) na may kaugnayan sa drug war campaign. Sa ngayon, hangga’t wala pang final judgement of conviction, si Duterte ay kikilalanin pa rin bilang kandidato.
Paglilinaw din ni COMELEC Chairman Garcia na kung sakali man na may mag-file ng disqualification case laban sa dating pangulo, tiniyak niya na ito ay tatanggapin at pagdedesisyunan ang disposition para rito. Kung may nag-petisyon, titignan ng poll body ang mga merits dahil ang komisyon ay walang moto proprio sa ganitong aspeto.
Kaugnay pa nito, ipinahayag din ni Garcia na kung sakali man na manalo kahit na nakakulong ang isang kandidato, kikilalanin at ipoproklama pa rin nila ito lalo na’t kung wala pang pinal na desisyon, judgement, o ano pang makakapaghinto sa kanyang proklamasyon.
Samantala, tiniyak din ni COMELEC Chairman Garcia ang publiko na walang mangyayaring dayaan sa darating na eleksyon kasunod ito ng naging pahayag ni VP Sara Duterte kagabi patungkol sa umano’y dayaan sa halalan. Naniniwala si COMELEC Chairman Garcia na hindi rin naman ito direkta para sa poll body.
Dagdag pa niya, bagaman gumagamit na ng teknolohiya ngayon para sa halalan upang matiyak na walang magiging dayaan, sinisigurado pa rin nila ang pagiging transparent sa buong proseso ng eleksyon.