Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang random manual audit nito para matukoy ang accuracy ng vote counting machines na ginamit sa pilot testing ng automated Barangay at SK elections noong Oktubre 30.
Ang 3 pilot testing site ng automated local election ay sa Barangay Poblacion Zone 2 at Paliparan 3 sa Dasmariñas City, at Barangay Pasong Tamo sa Quezon City
Kasama ng komisyon na nagsagawa ng audit ang Philippine Statistics Authority (PSA) at accredited citizen’s arm gaya ng Legal Network for Truthful Elections (Lente), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel).
Kasalukuyang sinusuri ang 3 ballot boxes na random na pinili, tig-isa mula sa 3 sites na pinagganapan ng pilot test noong nakalipas na automated local election.
Dito, sinusuri kung ang bilang ng mga boto sa election receits ay tugma sa bilang ng mga boto sa mga balota.
Sa pamamagitan ng ginagawang random manual audit, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, malalaman kung naging epektibo at accurate ang mga vote counting machiens na ginamit sa araw ng halalan.
Inihayag din ng Comelec chair na ang discrepancy sa boto ay maaaring maging basehan sa paghahain ng election protest.
Inaasahang mailalabas din ngayong araw ang resulta ng random manual audit.