Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang memorandum of agreement (MOA) nito sa online news website na Rappler isang araw matapos na maghain ng petisyon ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court na naglalayon na ipawalambisa ang naturang kasunduan.
Sa memorandum na nilagdaan ni Comelec acting chair Socorro Inting, ipinag-uutos na itigil muna ang lahat ng mga aktibidad ng Komisyon na may koneksyon sa fact-checking MOA.
Ito ay dahil sa mga paratang laban sa Rappler na kanilang natatanggap kasunod ng paghahain ng mga petisyon sa Korte Suprema.
Planong ipagpaliban muna ng komisyon ang pagpapatupad ng mga probisyon na nakapaloob sa naturang MOA hanggang sa malutas na ang isyu at maibigay na ang desisyon ng korte.
Magugunita na bukod sa Office of the Solicitor General ay isa rin ang National Press Club, isa sa mga pinakamatagal at pinakamalaking media organization sa bansa, sa mga hindi sang-ayon sa naging kasunduan sa pagitan ng Comelec at Rappler.Top