-- Advertisements --

Kasalukuyang sinusuri ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ulat na may nagaganap umano na informal exit polls sa ilang voting sites sa ibayong dagat simula nang buksan ito kamakailan lang.

Ito ay kasunod ng ilang mga post sa social media na nagdedetalye ng mga bilang ng diumano’y mga boto ng mga pumila sa polling site sa Hong Kong.

Tiniyak ni director of the Comelec’s Office for Overseas Voting (OFOV) Sonia Bea Wee-Lozada na nakarating na sa kanila ang mga ulat na ito at kasalukuyan na silang nagsasagawa ng mga imbestigasyon at pagsusuri ukol dito.

Samantala, sa isang statement naman ay ipinaliwanag ni Comelec spokesperson James Jimenez ang kahulugan ng “exit polls”.

Aniya, ang “exit polls” daw ay hindi opisyal na tally ng mga botong nalikom para sa 2022 National at Local Elections.

Muli rin nilinaw ni Jimenez na bibilangin lamang ang mga botong nakalap mula sa overseas voting pagsapit ng Mayo 9, sa oras na isara na ng komisyon ang mismong botohan para sa nasabing halalan.

Binigyang-diin naman ng tagapagsalita na hinding-hindi magiging reliable ang impormasyong ito maliban na lamang kung isang kilala at kagalang-galang na survey firm ang naglabas ng naturang exit poll.

Samantala, muli namang ipinaalala ni Wee-Lozada sa publiko ang kahalagahan ng critical thinking sa pagkilala ng kalidad ng impormasyon mula sa social media, lalo na ngayong marami aniya sa ating mga kababayan ang umaasa dito para sa mga bagong balita sa lipunan.

Sinabi naman ng opisyal na ang ilang mga post sa ibang bansa ay hindi pa nakakatanggap ng mga opisyal na balota, ngunit tiniyak na ginagawa ng poll body ang lahat ng makakaya upang makuha ang mga balota doon.Top