Ipinahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na marapat lamang na suriing mabuti ng mga botante ang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ng mga kandidato ngayong halalan sa Mayo. Ayon sa komisyon, magkakaroon ang publiko ng pagkakataon na makita ang mga SOCE ng bawat kandidato dahil ito ay kanilang ipopost sa COMELEC website.
Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na kailangan itong suriin ng mga Pilipino upang malaman kung talagang tama ba ang mga kanilang nirereport o di kaya’y tignan kung may mga hindi na-report na mga ginastos nila sa panahon ng pangangampanya. Aniya, ang paglathala ng mga SOCE ng mga kandidato ay nagpapakita ng pagiging transparent pagdating sa mga inilalabas na pera ng bawat kandidato para matiyak na hindi sila lumagpas sa limit na itinalaga ng poll body.
Ngunit, ipinahayag din ni COMELEC Chairman Garcia na alam niyang may limitasyon ang SOCE dahil ang sakop lamang nito ay ang mga ginastos sa campaign period at hindi kasama ang mga nagastos sa simula pa lamang ng kanilang pagfa-file ng candidacy. Sa kabila ng ganitong limitasyon, mahalaga pa rin ang pagpapasa ng SOCE dahil nagpapakita rin ito ng accountability.
Matatandaan na kinonsidera na ng poll body ang pag-presume na mga bayad ang mga influencers at celebrities na ineendorso ang mga kandidato, ito ay base sa COMELEC Resolution 11109. Kaya naman kailangan din itong i-account sa kanilang mga Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.