-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naglabas na ng resolusyon ang Commission on Elections (Comelec) para ganapin ang isang special election sa bayan ng Jones, Isabela sa darating na Lunes, Mayo 20.

Sa walong pahinang desisyon ng poll body, inaatasan na ang mga election officer na makipag-ugnayan sa mga kandidato, botante, miyembro ng electoral board at municipal board of canvassers na ipaalam ang isasagawang special polls.

Inatasan na rin ang provincial election supervisor na ipabatid sa mga kasapi ng provincial board of canvassers kung saan gaganapin ang canvassing.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Comelec-Region 2 Assistant Director Atty. Jerbee Cortez, isinagawa ang pagpupulong ng Joint Security para sa ilalatag na seguridad sa isasagawang special elections sa apat na clustered precincts ng Barangay Dicamay 1 na may 762 botante.

Pinag-usapan na rin ang pagtatalaga ng election officer ng mga election board na magsisilbi sa special election.

Binalaan din ni Atty. Cortez ang mga kandidato na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato dahil tapos na umano ang araw ng kampanya noong Mayo 11.

Magugunitang sa mga Barangay Dicamay 2 at Dicamay 2 ay may sinunog na mga VCM na ginamit sa nakalipas na halalan.

Nailigtas ang SD card ng Dicamay 2 subalit tuluyang nasunog ang VCM at SD Card ang sa isa pang barangay.