-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ng task force ng Commission on Elections si Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Ilagan sa kaniyang kontrobersiyal na pahayag laban sa kaniyang karibal sa pagka-gobernador ng Batangas at dating aktres na si Vilma Santos.

Ang utos na ito ay nagmula sa Task Force on Safeguarding Against Fear and Exclusion in Elections (SAFE) ng poll body.

Binigyan ang opisyal ng tatlong (3) araw mula nang matanggap ang show cause order upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat siya sampahan ng reklamo para sa election offense o maghain ng petisyon para sa kaniyang diskwalipikasyon.

Ayon sa anti-discriminatory panel, ang mga naging pahayag ng Bise Alkalde sa kaniyang kampaniya noong Marso 29 kung saan tinawag niyang laos na ang dating aktres ay posibleng paglabag sa Comelec Resolution No. 11116 o ang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines ng 2025 midterm elections.

Sa ngayon, ito na ang ikatlong show cause order na ipinataw laban sa isang kandidato para sa halalan ngayong taon dahil sa discriminatory remarks.