Nakatakdang talakayin ng Commission on Elections (COMELEC) sa nalalapit na en banc meeting sa Miyerkules kung paano nito tutugunan ang isyu ng hindi pagdalo ng ilang kandidato sa mga debate na kanilang inorganisa.
Sinabi ni COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan sa mga mamamahayag pagkatapos ng unang vice presidential leg ng PiliPinas Debates 2022 kagabi, na isasaalang-alang ng komisyon ang paglabas ng resolusyon para pilitin ang mga kandidato na lumahok.
Napag-alaman na nabigong dumalo sa unang round ng presidential debate nitong nakalipas na Sabado si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at kagabi ay dalawa naman para sa bise presidente na sina Rep. Lito Atienza at Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kung maaalala, sinabi ng vice presidential bet na si Walden Bello sa media na pinag-iisipan niyang laktawan ang susunod na vice presidential debate maliban na lang kung magpapakita sina Bongbong at Duterte.
Inamin din ni Bello na ang kanyang pagkadismaya sa pag-isnab ng mga kandidato ay naging dahilan upang kumanta siya sa debate sa halip na mag-walk out na una niyang binalak.
Sinabi na rin kamakailan ng COMELEC na ang hindi dadalong mga kandidato sa kanilang inorganisang debate ay hindi na isasali sa libreng on-ine campaign ng komisyon.