Sa kabila ng pagkaka-sibak bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, maaari pa ring makapag-hain ng kandidatura si Alice Guo para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco, kung sakaling maghahain si Alice ng kanyang Certificate of Candidacy, tatanggapin pa rin ito ng komisyon, anumang posisyon ang kanyang tatakbuhan.
Katwiran ni Laudiangco, ministerial lamang ang trabaho ng komisyon. Ibig sabihin, gagawin nito ang nakalatag nitong tungkulin na mag-facilitate ng filing at tumanggap ng mga COC salig sa itinatakda ng batas.
Wala aniyang kapangyarihan ang Comelec na mag-reject sa COC ng dating alkalde kung naisin man nitong magsumite sa nalalapit na filing.
Gayunpaman, kung sakaling may maghahain ng petisyon upang kanselahin o i-deny ang COC ni Alice Guo, maaari aniya itong aralin ng komisyon at magamit ang naturang pestisyon bilang basehan ng petisyon for disqualification.
Si Alice ay tinanggal ng Ombudsman bilang alkalde ng Bamban dahil sa grave misconduct kaugnay sa umano’y kaugnayan niya sa operasyon ng POGO. Naging epektibo ito noong August 13, 2024.