Tinatalakay ng Commission on Elections ang mga patakaran at ang mga detalye ng bagong teknolohiya na pinaplano para sa susunod na halalan, ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco.
Ayon kay Laudiangco, nasubukan na nila ang lahat ng mga makabagong teknolohiya at nais ng komisyon na piliin ang mas makakabuti at magdudulot ng mas maayos na halalan.
Kabilang sa mga isinasaalang-alang ng Commission on Elections en banc ay ang mga teknolohiya sa ibang bansa na maaaring gamitin sa Pilipinas at ang mga teknolohiyang pamilyar sa mga Pilipino.
Matapos makatanggap ng suporta mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang plano ng Commission on Elections na i-upgrade ang teknolohiya nito, sinabi ni Laudiangco na dadalhin nila ang kanilang mga plano sa modernisasyon sa Kongreso.
Kung matatandaaan, sinabi ni Pangulong Marcos sa paggamit ng makabagong teknolohiya na maaaring ipatupad ng gobyerno ang mga positibong reporma at gawing mas mabilis ang paghahatid ng resulta ng halalan.
Una na rito, nagkaron ng National Election summit upang humingi ng mungkahi sa mga eksperto, mga botanteng Pilipino, at iba pang stakeholder ukol sa digital transformation ng Commission on Elections at ang sistema ng halalan.