Pinabulaanan, at tinawag na “fake news” ng Commission on Elections (Comelec) ang mga alegasyong “pre shaded” na ang mga balotang ibinibigay sa mga botante sa Singapore.
Ito kasunod nang pagkalat sa social media ng isang post ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nakatanggap umano siya ng “pre shaded” ballot nang bumoto siya sa embahada doon.
Kinilala ang naturang OFW na si Cheryl Abundo, isang Singapore-based worker na kabilang sa mga bumoto sa isinagawang overseas absentee voting sa Singapore.
Kwento ni Abundo, sinabi ng isang poll watcher doon na “spoiled ballot” ang kanyang nakuhang balota matapos niya itong ibalik dahil sa may mga marka na aniya ito.
Ngunit para kay Commissioner Marlon Casquejo, ang kasalukuyang in-charge sa Office for Overseas Voting (OFOV), imposible ang ganitong klase ng mga insidente.
Kinakailangan daw kasing pirmahan muna ng isang botante ang balotang kaniyang natanggap bilang tanda na hindi ito depektibo bago ito bumoto dahil kung bakit hindi na aniya katanggap-tanggap ang naging pahayag ng nasabing OFW.
Ayon pa kay Casquejo, hindi daw kasi dapat na tinanggap pa ng botante ang balota kung nakita na nito na may marka ito at hindi malinis.
Sa ngayon ay wala pa naman na natatanggap na official report ang Comelec mula sa Singapore post hinggil sa nasabing usapin ng umano’y pre-shaded ballot.
Samantala, nagbabala naman ni Commissioner George Garcia sa mga indibidwal na nagkakalat ng “fake news” tungkol sa eleksyon.