Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko na hindi lalabag sa freedom of speech o expression ng mga kakandidato sa 2025 midterm elections ang bagong resolution para sa paggamit ng kanilang social media at artificial intelligence para sa pangangampaniya.
Ito ay ang Comelec Resolution 11064 na naglalatag ng mga guideline sa paggamit ng naturang mga digital platforms kung saan minamandato ang mga kandidato at mga partido na irehistro ang kanilang official social media accounts, websites at kapareho pang online campaign platforms sa Comelec. Kapag bigong magrehistro, ipapatake-down ng komisyon ang naturang mga account.
Sa paggamit naman ng AI sa campaign materials, minamandato ang mga kandidato at partido na i-disclose ang paggamit nito at pinagbabawalan din ang mga kandidato na gumamit ng deepfake material.
Sa ilalim din ng resolution, papatawan ng multa ang ‘coordinated inauthentic behavior’ na maaaring humantong sa pag-take down ng lahat ng accounts.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, bukas ang poll body para sa isang dayalogo sa iba’t ibang grupo at election watchdogs para himayin ang naturang resolution.
Giit din ng poll body chief na siniguro nilang hindi mapapaki-alaman sa guideline ang campaign content dahil maaaring lumabag ito sa kanilang freedom of expression.
Umapela naman ang opisyal sa mga kritiko na bigyan ng tiyansa ang bagong rules ng Comelec dahil ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na nagkaroon ng socmed regulation na wala maging sa Amerika.
Ipinunto din ng opisyal na sa halip na i-regulate dapat na mag-pokus sa pag-educate sa mga botante upang makilatis nilang mabuti kung ano ang credible na balita at kung paano gamitin ang AI at iba pang teknolohiya nang responsable.