Tiniyak ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia sa publiko na imposibleng mangyari ang ‘dagdag-bawas’ ngayong darating na halalan sa Mayo.
Ito ay kasunod ng sinabi ni VP Sara Duterte na ibinahagi raw ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nangangamba siya na may maaaring mangyaring ‘dagdag-bawas’ sa halalan.
Agad naman itong sinagot ni Garcia at sinabing simula 2010 ay wala pang napapatunayan na may nangyaring ‘dagdag-bawas’ sa mga naging halalan.
Dagdag pa niya, maraming paraan na sa isang automated elections upang ma-verify kung tama ba ang mga boto na pumapasok sa machines mula sa mga balota.
Isa na rito na makikita agad ng mga watchers at mga botante ang election returns dahil ito ay ipapaskil agad sa labas ng bawat presinto.
Ipapakita rin ang mga ballot images sa mga watchers at citizens arm. Kaugnay pa nito, ang komisyon ay magsasagawa rin ng random manual audit.
At bukod sa hard copy ng resulta ng mga boto at resulta mula sa servers na makukuha ng mga citizens arm, bibigyan din sila ng poll body ng QR code kung saan nakalagay ang kabuuan ng mga boto sa bawat presinto.