Ipinahayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na sinuri nilang mabuti ang mga bagong na-accredit na mga party-list organizations. Nasa 42 ang inaccredit lamang ng poll body at hindi tinanggap ang nasa 200 na mga party-list groups.
Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, kung hindi talaga nila ito sinuri nang maayos, hindi nila ire-reject ang ganitong karami na mga Certificate of Nomination and Acceptance o CONA ng mga party-list groups at pinaabot sana nila ito sa 300 na mga party-list organizations sa balota.
Ang ganitong pahayag ay kasunod ng nilabas na pag-aaral ng election watchdog na Kontra-Daya na 86 o 55% ng 156 ng mga party-list organizations na inapprove ang Certificate of Nomination and Acceptance o CONA ng poll body ay hindi kumakatawan sa mahihirap at marginalized.
Ipinaliwanag din ni COMELEC Chairman Garcia na sa batas ng Korte Suprema na kanilang sinusunod pagdating sa mga party-list, nakapaloob dito na 50% lang ng mga party-list nominees ang kailangan mula sa sector na kanilang nirerepresenta at ang kalahati ay maaaring hindi na bahagi ng naturang sector. Aniya, nasa batas din na kailangan lamang na may proven advocacy para sa naturang sector at sila ay maaari ng makatakbo.
Sa kasalukuyan nasa 155 na mga party-list organizations ang maglalaban-laban ngayong halalan para sa 63 congressional seats. 113 dito ay existing party-list na at 42 lamang dito ay ang mga bagong inaccredit. Ito ang pinakamababang bilang ng mga party-list groups na maglalaban-laban sa isang eleksyon.
Kaugnay pa nito, sinabi niya rin na ang pag-aaral ng Kontra-Daya ay hindi malinaw kung ito ba ay sa pagitan ng existing o newly accredited party-list. Aniya, marapat lamang na magkaroon ng pag-aaral na ang pokus ay ang mga bagong na-accredit na mga party-list organization ng komisyon upang makita talaga ang patas na obserbasyon.