-- Advertisements --

Umapela si Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia sa mga kakandidato sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na maging responsable, kasabay ng pagsisimula ng paghahain ng kandidatura ngayong araw, Nov. 4.

Apela ni Garcia, dapat ay mabantayan ng mga kandidato ang kanilang mga supporter at magawang panatilihin ang malinis, maayos, at mapayapang COC filing sa buong Bangsamoro.

Tiniyak naman ni Garcia ang mahigpit na koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) bago pa man ang pagsisimula ng filing period.

Ayon kay Garcia, una ng nagbigay ng commitment ang AFP at PNP na babantayan nila ang kabuuan ng filing period, pananatilihin ang kapayapaan sa rehiyon, at tututukan ang anumang banta sa seguridad.

Maliban sa COC filing, binuksan din ng komisyon ngayong araw ang filing ng List of Nominees at Certificate of Acceptance of Nomination para sa mga regional parliamentary political party.

Sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa BARMM, mayroong kabuuang 73 BARMM parliamentary seat na paglalabanan ng mga kakandidato, maliban pa sa mga local positions.