Dalawang araw bago tuluyang magtapos ang registration period para sa 2025 Midterm Elections, pinaalalahanan ng Commission on Elections ang publiko na humabol na magparehistro sa mga local office ng komisyon.
Sa Setyembre a-30 ay matatapos na ang registration na unang sinimulan ng komisyon noong Pebrero 2024.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco, lahat ng uri ng serbisyo o aplikasyon kaugnay ng nalalapit na 2025 elections ay bukas. Kinabibilangan ito ng registration, paglipat ng presintong pagbobotohan at re-activation.
Kasama rin dito ang pagpapalit ng pangalan dahil sa pag-aasawa, pagpapalit ng status mula sa pagiging OFW tungo sa pagiging local voter, at iba pa.
Sa mga Pinoy workers na nakatakdang magtungo sa ibang bansa upang magtrabaho bago ang May 2025 Elections, sinabi ni Laudiangco na maaaring magparehistro ang mga ito sa mga opisina ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Mayroon aniyang nakalaan sa mga ito na registration site ng komisyon.
Para naman sa mga Pinoy workers na kasalukuyan nang nasa ibang bansa at nais makaboto sa susunod na halalan, maaari lamang magparehistro ang mga ito sa lahat ng mga konsulada at embahada ng bansa.