-- Advertisements --

Malabo na umanong palawigin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration period dahil sa sinusunod nilang timeline para sa mga paghahanda sa 2022 national elections.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, pagkatapos ng voter registration na magtatapos sa darating na Setyembre 30, susundan ito ng paghahain na ng certificate of candidacy (COC) ng mga nais tumakbo sa halalan.

Sinabi pa ni Jimenez na mayroon ding pag-uusap ngayon tungkol sa posibilidad ng pag-urong ng petsa ng COC filing.

Sa kasalukuyan, ang magagawa lamang daw ng poll body ay pag-aralan ang posibilidad ng pagpapalawig ng registration hours kada linggo.

Inaaral din daw ng Comelec ang ideya ng pagdadagdag sa bilang ng satellite registration sa buong bansa.

Obligado rin daw sila na magsagawa ng satellite registration upang magkaroon ng zero COVID-19 cases sa lugar sa loob ng 14 araw bago ang aktwal na satellite registration event.

Batay sa pinakahuling datos, nasa 1.3-milyon na ang natanggap nilang aplikasyon ng mga bagong botante, malayo pa sa target nila na 4-milyon.