-- Advertisements --

Nanindigan ang Commission on Elections En banc sa kanilang desisyon na payagang tumakbo sa 2025 midterm elections si Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.

Kaugnay nito ay ibinasura naman ng poll body ang isang motion for reconsideration na nananawagang idiskwalipika ang kontrobersyal na pastor sa pagtakbo sa halalan.

Ang naturang apela ay inihain ng senatorial aspirant at Workers and Peasants’ Party’s Sonny Matula.

Batay sa resolution na inilabas ng Comelec En Banc, sinabi nito na walang matibay na basehan ang petisyon laban kay Quiboloy na lalabag sa alinmang batas ng halalan.

Una nang sinabi ni Matula sa kanilang apela na binabastos ni Quiboloy ang electoral process sa pamamagitan ng pagkandidato nito.

Kinuwestiyon rin ni Matula ang komisyon dahil sa pagpayag nito na tumakbo si Quiboloy habang ibinasura naman ng poll body ang COC ni Sultan Subair Guinthium Mustapha na kilalang Muslim leader at ideneklara nilang nuisance candidate.

Si Quiboloy ay nahaharap sa patong-patong na kasong may kinalaman sa child and sexual abuse at qualified human trafficking.

Kasalukuyan itong nakadetene sa Pasig City Jail.