Bumuwelta si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa banat sa kaniya ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta kaugnay sa paggamit ng terminong West Philippine Sea (WPS).
Sa ibinahaging post ni Comm. Tarriela, mababasa sa bahagi ng transcript ng statement ni Cong. Marcoleta sa isang panayam sa kaniya kung saan hinimok niya ang publiko na huwag “magpakaga** at magpaka-ignorante” katulad ni Comm. Tarriela na hindi umano naiintindihan ang nakasulat sa mapa ng mundo at ng karagatan.
Sa isang statement naman, sinabi ni Comm. Jay Tarriela na nakakadismaya aniyang marinig mula sa isang kongresista mula sa 19th Congress na nagpasa ng Philippine Maritime Zones Act na ang pagtawag ng West Philippine Sea ay nag-ugat sa kamangmangan.
Aniya, malawakang niyayakap ang naturang termino ng ating mga kababayan at sumisimbolo ng kanilang mga karapatan at mithiin may kaugnayan sa marine resources sa ating exclusive economic zone (EEZ).
Ginagamit din aniya ito ng ating militar at coast guard personnel habang ginagampanan ang kanilang patriotic duty na kadalasang nalalagay sa panganib ang kaligtasan.
Hindi din aniya iligal ang pagpapatibay ng naturang termino sa ating mga batas at hindi dapat aniyang tanggalin ang termino na nagpapalakas sa koneksiyon ng bansa sa sariling nitong EEZ.
Tanong pa ni Tarriela na paano aniya susuportahan ng buong mundo ang paggamit natin ng WPS kung tayo mismo ang sumasalungat dito.
Sa kabila naman nito, mayorya aniya ng mga Pilipino ang kumikilala at gumagamit ng WPS at walang isyu dito maliban na lamang sa mga tila lumilikha ng problema dito gaya na lamang aniya ni Senatorial candidate Marcoleta.
Sa huli, tanong ni Tarriela sa mambabatas na kung naniniwala din naman pala ito sa EEZ, bakit aniya bawal itong pangalanan at ano ba raw ang dapat na itawag dito.
Nag-ugat ang palitan ng pahayag ng 2 opisyal kasunod ng sinabi ni Marcoleta sa kamakailang pagdinig sa House of Representatives na walang WPS at ito ay gawa-gawa lang umano natin at wala sa mapa ng Pilipinas, bagay na nauna ng pinuna ni Commodore Tarriela.