Problemado ngayon ang teroristang Maute sa Marawi City sa kanilang liderato kaya sinasabing aburido ang mga ito.
Batay sa report na nakuha ng militar, nawawala na sa direksiyon ang teroristang grupo matapos silang iwan ng kanilang lider at tumatayong emir ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Asya na si Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon.
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahina na ang command and control ng Maute Group.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, ang nasabing pagkakataon ay sasamantalahin ng militar para maging paborable sa panig ng gobyerno ang sitwasyon at mailigtas na ang mga natitira pang mga sibilyan na bihag o naiipit sa bakbakan.
Sa ngayon nasa 100 hanggang 200 pang sibilyan ang naiipit sa labanan sa Marawi.
Batay sa impormasyon ng AFP, sina Abdullah at Maddi Maute na uang nagtitimon sa mga miyembro nila sa Marawi City.
Pero hindi pa validated hanggang sa ngayon kung totoong nakalabas na ng Marawi si Hapilon.