CENTRAL MINDANAO – Nagbalik-loob sa gobyerno ang walong mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ang mga sumuko ay pinangunahan ni Kumander Simon, commanding officer ng Platoon Central, Guerilla Front Musa ng Far South Mindanao Region at pito nitong mga kasamahan.
Sumuko ang mga NPA kay 7th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Lt. Col. Romel Valencia sa kanilang kampo sa Old Capitol, Barangay Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang walong matataas na uri ng armas, mga bala, magasin at pampasabog.
Sinabi ni Kumander Simon na pagod na sila sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto na silang mamuhay ng mapayapa.
Nakatakda namang makatanggap ng tulong ang mga rebelde mula sa provincial government ng Sultan Kudarat.
Hinikayat muli ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy ang ibang NPA na nagtatago sa kabundukan na sumuko na at tutulungan sila ng pamahalaan.