-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Na-neutralize sa inilunsad na law enforcement operation ang itinuturing na notoryos na high ranking official ng New Peoples Army (NPA) Far South Mindanao Region sa bayan ng Tboli, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Captain Krisjuper Andreo Punsalan, civil military operations Officer ng 5th Special Forces Batallion, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na si Martin Mino Fay, kilala bilang Kidlat o Diego, ang Vice Commander ng Front Operational Command, Guerilla Front MUSA, Far South Mindanao Region at resident ng Barangay Lam-apos, Banga, South Cotabato.

Sangkot si Kidlat sa ibat-ibang karahasan sa South Central Mindanao at may kaugnayan din sa serye ng pamomomba sa mga bus, panununog sa mga public transportation vehicles at mga heavy equipment.

Ang nasabing NPA official ay inatasan umano na maghatid ng mga pagkain at medical supplies sa mga rebelde na nasa bulubunduking bahagi ng South Cotabato.
Pinangunahan din umano nito ang recruitment at pagsalakay sa mga detachment ng military at mga otoridad sa Mindanao.

Dagdag pa ni Punsalan, nasa pitong armado ang kasamahan ni Kidlat ng makasagupa ito ng kanilang pwersa kaya’t nangyari ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng rebelde.

Nakuha sa posisyon nito ang .45 caliber pistol, mga live ammunition, isang hand grenade at mga personal na gamit nito kabilang na ang mga subersibong dokumento.

Itinuturing umano na kuta ng mga rebelde ang lugar kung saan nangyari ang engkwentro.

Sa ngayon, itinaas ng mga otoridad ang alerto sa posibilidad na retaliatory attack ng mga tauhan ng nasawing opisyal ng NPA. Samantala, hinikayat naman ni Punsalan ang mga kasamahan ni Kidlat na sumuko na at magbalik loob sa gobyerno.