NEGROS ORIENTAL – Patay ang commanding officer ng Section Guerilla Unit ng New People’s Army matapos ang limang minutong bakbakan nila ng mga tropa ng gobyerno ng 62nd Infantry Battalion sa Sitio Banderahan, Barangay Trinidad, Gihuilngan City, Negros Oriental.
Kinilala ang napatay na si Victoriano Baldonado alyas “Rudy”, 34 taong gulang, at residente ng Sitio Ammumuyong sa nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Major Israel Galorio, ang tagapagsalita ng AFP Central Command, sinabi nito na maliban sa Section Guerilla Unit ay commanding officer rin ito ng Central Negros Front 1, Komiteng Rehiyon Negros, Cebu, Bohol at Siquijor, kung saan gumagalaw sa tri-boundaries ng Guihulngan at Canlaon City ganun din sa Moises Padilla, Negros Occidental.
Ayon kay Major Galorio na nakatanggap ang tropa ng 62nd Infantry Battalion ng impormasyon galing sa mga residente sa nasabing lugar patungkol sa presensya ng mga NPA kaya agad na nagsagawa ng operasyon.
Sa nasabing operasyon, nakuha ng mga sundalo ang isang M16 rifle, apat na magazine na may 43 mga live ammunition ng 5.56mm at iba pang gamit ng Central Negros Front.
Habang, sa nakaraang Nobyembre 19, nakuha ng mga tropa ng 47th Infantry Battalion ang imbakan ng mga armas ng mga teroristang NPA sa Barangay Gatusiao, Candoni, Negros Occidental, kung saan ang cache ng armas ay may 16 na kalibre .38 na pistola, isang kalibre .22, tatlong homemade shotgun, labing-isang container ng homemade shotgun na may maraming bala, tatlong magazine, apat na cellphone at iba pang kagamitan para sa giyera.