Patuloy ang paghimok ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kwalipikadong botante na maghain ng kanilang aplikasyon para sa pagpaparehistro sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon dahil malamang hindi na ito ma-extend.
Nagpaalala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na huwag nang asahan ang extension at mananatiling sa January 31 ang deadline.
Sinabi ni Garcia na ang Comelec ay walang nakikitang anumang bagay na maaaring mag-udyok ng anumang mga extension na lampas sa deadline.
Sapat na ang kanilang information drive at mga programa sa pagpaparehistro na naglalayong makapagtala ng mas maraming mga botante.
Dagdag pa ng opisyal na mahigit isang milyong aplikante na ang naghain ng voter registration at umaasa ang Comelec na nasa 1.5 o 2 milyong botante ang magpaparehistro bago ang deadline.
Inilunsad na ng poll body ang register anywhere program (RAP) site sa Department of Social Welfare and Development, kasama ang iba pang mga site na ilalagay sa House of Representatives at sa Senado.