Paiimbestigahan ngayon ng Commission on Human Rights ang nasa mahigit 40 drug related death na naitala sa bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Ito ay matapos na una nang ihayag ng Philippine National Police na nakapagtala sila ng nasa 46 drug related death sa gitna ng kanilang ikinakasang anti-illegal drug operations sa Pilipinas mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 7, 2022.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Commission on Human Rights commissioner Beda Epres, sa ngayon ay nakapagsumite na sila ng liham sa tanggapan ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. para tignan ang mga impormasyon ng mga nasawi sa war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.
Layunin aniya nito na tignan at busisiin kung sinu-sino at ano ang mga naging sanhi ng pagkamatay ng nasabing mga biktima.
Sa kabila nito ay nilinaw naman ni Epres na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling satisfied ang CHR sa nagiging performance ng PNP ngayon kasabay pa rin ng pagbibigay-diin sa kahalagahan na maimbestigahan ang mga kaso ng pagkamatay ng ilang mga indibidwal na may kinalaman sa illegal na droga.
Samantala, kung maaalala una nang ipinaliwanang ni PNP chief Azurin na mula sa 46 na mga drug related death sa bansa, 32 dito ang nasawi sa gitna ng mga ikinakasang operasyon ng pambansang pulisya, habang ang natitirang 14 naman ay napatay ng mga taunahn sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Kasabay nito ay iginiit din ng hepe ng pambansang pulisya na nagkaroon na ng pagbabago pagdating sa istratehiya ngayon ng buong kapulisan kumpara sa dating istratehiya nito noong panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.