Nanawgan sa National Bureau of Investigation (NBI) si Comelec Commissioner George Garcia na ilabas na ang resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa umano’y security breach sa automated election system ng Smartmatic.
Ayon kay Garcia, hanggang sa ngayon ay hindi pa natatanggap ng Comelec ang report sa imbestigasyon ng NBI kaya hindi rin nila magawang ma-update ang publiko patungkol dito, at hindi rin sila makakilos sa kung ano ang mga posibleng hakbang ang dapat na susunod na gawin ng poll body kung sakali man.
Habang hinihintay aniya ang findings ng NBI, tiniyak ni Garcia na secure ang automated election system.
Pero kailangan pa rin aniya na maghanda ang Comelec ng isang backup plan sa anumang sitwasyon na posibleng mangyari.
Nauna nang sinabi ni Sen. Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, na maaring nakompromiso ang personal information, ledgers, office photos, at contact persons sa Comelec dahil sa sinasabing Smartmatic data breach.
Pero magugunita naman na sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms noong Lunes na sinabi ni Smartmatic spokesperson Atty. Christopher Louie Ocampo na hindi na-hack ang kanilang system at ang nalalapit na halalan ay mananatiling 100 percent safe at secure.