Dalawang araw mula nang tanggalin siya bilang pinuno ng Bureau of Immigration, nagpasalamat si dating Commissioner Norman Tansingco sa lahat ng mga nakasama niya sa ahensiya.
Ayon kay Tansingco, dalawang taon siyang nanilbihan bilang pinuno ng Immigration at maraming mga hamon ang kinaharap ng ahensya tulad ng border control sa mga international port of entry at exit, human trafficking, atbp.
Sa kabila nito ay nagawa aniya ng BI na itulak ang ilang mga kinakailangang reporma sa kabila ng mga limitasyon.
Bagaman hindi pa tapos ang trabaho, malaking bagay na aniya ang sinimulang mga reporma.
Dahil dito ay nagpasalamat si Tansingco kay PBBM at sa lahat ng mga nakasama sa Immigration, mga law enforcement agencies Interpol, atbp.
Kasabay ng pag-alis sa BI, tiniyak naman ni Tansingco na ang naturang ahensiya ay pinamamahalaan ng mga dedicated professional at magpapatuloy ang maayos na serbisyo.
Una nang naupo bilang officer-in-charge si Deputy Commissioner Joel Anthony Viado matapos ang pagkakatanggal ni Tansingco kasunod na rin ng kontrobersyal na pagtakas ng grupo nina Alice Guo, ang tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac.