Ipinagpaliban ng Philippine Navy sa hindi pa itinakdang araw ang handover ceremony at commissioning ng pinakabagong missile-capable frigate na papangalanang BRP Jose Rizal (FF 150).
Ayon kay Phil Navy spokesperson Lt. Cmdr. Maria Christina Roxas, dahil sa “unavoidable circumstances” kaya ipinagpaliban ang orihinal na naka-schedule na commissioning ng frigate sa June 19 na kasabay sana ng araw ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Jose Rizal.
Sinabi ni Roxas, kahapon pinagkalooban ng arrival ceremony ang barko at crew sa Subic Bay, Zambales matapos makumpleto ng mga ito ang 14-day quarantine requirement.
Ang arrival ceremony ay pinangunahan ni Philippine Fleet Commander, Rear Adm. Loumer Bernabe.
Ang bagong barkong gawa ng Hyundai Heavy Industries (HHI) ng South Korea ay may “maiden crew” na 65 sailors na pinamumunuan ng unang commanding officer na si Captain Jerry Garrido Jr.
Kasabay ng arrival ceremony ay isinagawa din ang pormal na turnover ng ikinarga sa barko na personal protective equipment na donasyon ng HHI at South Korean government sa Philippine Navy.