Muling pinagtibay pa ng Pilipinas at Estados Unidos ang commitment nito sa isa’t-isa sa ilalim ng mutual defense treaty.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon ngayon dulot ng mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Sa pakikipagpulong ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., kay US Defense Secretary Lloyd Austin sa kasagsagan ng 21st International Institute for Strategic Studies Shangri-La Dialogue nitong Hunyo 1, 2024 ay muling binigyang-diin ng Amerika ang posisyon nito hinggil sa isyu sa WPS.
Dito ay mariing kinondena ng US Defense official ang mga naranasang panghaharass ng Pilipinas mula sa mga ilegal na aktibidad at aksyon ng China sa WPS.
Samantala, kaugnay nito ay muli rin niyang iginiit ang kahalagahan ng pangkalahatang interes sa WPS, kasabay ng pagtiyak na mananatiling bukas at malaya ang naturang pinag-aagawang teritoryo.