CAGAYAN DE ORO CITY- Hindi nagpatinag bagkus ay nanatiling pokus sa nailatag na paghahanda ang liderato ng 4ID,Philippine Army na bigyan ng tahimik,matiwasay at matagumpay na pagdaraos ng 2025 midterm elections ang mga botante na nakabase sa Northern Mindanao at Caraga regions.
Katiyakan ito ni 4ID commanding general Brig Gen Michele Anayron Jr sa harap ng iba’t-ibang sector na aktibong makilahok nang pagbabantay sa May 12 elections kahit nahaharap ng malaking hamon ang pamumuno nito sa dalawang malaking rehiyon sa Mindanao.
Kaugnay kasi ito sa kanyang kinaharap na recall petition na inihain ng ilang provincial local candidates sa tanggapang-sentral ng Comelec at Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil nagkataon na kumandidato ang kanyang ama na si Atty.Michele Anayron Sr bilang alcalde sa bayan ng Sugbongcogon,Misamis Oriental.
Sinabi nito na Karapatan ng mga nais magpa-recall sa kanya dahil sa umano’y conflict of interest issue subalit naninindigan ito na walang matibay na basehan ang kanilang akusasyon.
Ito’y sapagkat bago pa siya naitalaga bilang kumander ng 4ID nakabase sa Kampo Edilberto Evangelista ng Cagayan de Oro ay kinilatis ng husto ang kanyang ‘credentials’ ng AFP senior officials bago makarating sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr para sa kompirmasyon at pormal na pagtalaga sa kasalukuyang hawak na posisyon.